Thursday, September 29, 2011

Scarlettjohansonning

Wala na talagang magawa ang mga netizens. Matapos ang PLANKING, OWLING, TEAPOTTING. Ngayon ay meron na SCARlETTJOHANSSONNING! :)

BABAE

LALAKE
…with Hulk Hand.  :-)

Ang mga larawan ay mula sa photo album na puno ng scarlettjjohannssoning. Tignan dito

Tuesday, September 27, 2011

Kahanga-hanga!

"Kahanga-hanga ang mga taong lumusang sa bagyo, ulan at baha para makapasok sa trabaho (tulad ko). Kung pwede lang sana nila ibigay ang tulad ng ganyang dedikasyon para sa bagay na kayang magbigay ng mas magandang kinabukasan para sa kanila."
-Kuya Keith

Pinakamagandang Trabaho

Meron akong kaibigan mula sa college. Nagkakaroon kami ng pagkakataon na makapagkwentuhan sa facebook. Tuwing naguusap kami ay palagi syang nagkwekwento patungkol sa kanyang bagong trabaho. Ang sabi niya, nahanap na niya ang perfect job para sa kanya.

Minsan, naimbitahan ko siya sa aking 'networking business'. (Opo networking, part-time networker ako.) Negative siya kasi nahanap na daw niya ang perfect job para sa kanya. Ito na daw yun kumpanya na pinapangarap niya. Malaking pasahod, mababait na katrabaho, Magandang mga benepisyo. Nakakaexcite na mga gawain, challenging na position at mahal niya ang ginagawa niya.

Pagkalipas ng (2) dalawang taon, muli ko siyang nakausap. Sa pagkakataong ito disappointed siya sa kumpanya niya. Di na daw tapat ang kumpanya sa kanila, corrupt din daw ang mga bosses. Sa kanyang palagay ay di sila trinatrato at nirerespeto ng tama, lagi silang nagaaway ng boss niya, malabo din na mapromote pa siya, at hindi daw siya pinapasahod ng tama.

Makalipas ang (4) apat na buwan, masaya na siya ulit. Nakita na daw ulit niya ang kanyang Perfect Job.

***
Hay! Nakakalungkot. Siguro ganun na lang ang takbo ng buhay niya. Sana maisipan niyang magnegosyo. Kahit di tulad ng negosyo ko.

Monday, September 26, 2011

Pinas: Susunod na Asian Tiger?

Maraming beses ko nang itinanong sa aking sarili kung may pag-asa pa ang Pilipinas? 

May mabuti pa kayang pagbabago? 

Lilliit ba ang bilang nang mga pulubi sa kalsada? 

Lilinis ba ang paligid sa bawat syudad? 

Mababawasan ba ang korupsyon?

Magkakaroon pa kaya nang disiplina ang  bawat mamamayan?

Bigla na lang akong natauhan!

Akala ko ang Pilipinas ang walang PAG-ASA. Ayun pala AKO ang NAWALAN ng PAG-ASA para sa aking bayan.

Alam kong mali pero masisisi n'yo ba ako? Ang tanging alam ko lang, kaya ko pang buhayin ang apoy sa damdammin ko bilang Pilipino.. bilang lahing kayumanggi.


***

Kakayanin ba nang Pilipinas na kilalanin bilang isang Asian Tiger? Basahin dito ang istorya

Asian Tiger - terminong ginagamit para sa mga mauunlad na bansa sa asia katulad ng Hong Kong, Singapore, South Korea, Taiwan atbp.

Friday, September 23, 2011

Liham Para Kay Cookie: Noong Ako ay may Sakit

Walang alam si Cookie patungkol sa blog na ito. Inililihim ko sa kanya na merong akong pinagkakaabalahan na iba maliban sa kanya. Ayaw ko sanang malaman niya sa ngayon ang tungkol dito. Gusto ko kasi gumawa ng mga sulat para sa kanya nang hindi niya mababasa agad. Dito ko plano isulat lahat. At kahit na gaano at paano ko pa ito ilihim ay darating din ang araw na malalaman at mababasa n'ya ang mga nasulat ko dito. Sana sa pagdating nang araw na iyon ay maging ala-ala ang blog na ito ng mga pangyayari sa aming buhay.

***

Dear Cookie,

Salamat sa iyong matiyagang pagaalaga sa akin noong ako ay may sakit. Di ko akalaing magagawa mo ang lahat ng iyon para sa akin. Ipinaglinis mo ako ng kwarto, ipinagtimpla ng kape, ibinili ng gamot at pagkain, at pati paggpupunas ng towel na may alcohol sa aking katawan ay ginawa mo din. 

Dumating ka sa bahay nang hindi ko namamalayan. Napakahimbing pa nga ng tulog ko noon. Pero bigla na lang akong nagising nang marinig ko ang boses mong sumisigaw at kinakalabog ang aking kwarto. Alam kong hindi ka naniniwalang may sakit ako (nang nagtext ako sayo). Iniisip mo siguro na umaarte lang ako. Kaya naman nakita ko sa iyong mukha ang biglang pagaalala ng hawakan mo ang aking braso, at naramdaman na ako ay mainit at nilalagnat.

Umupo ka sa aking kama at sumandal sa pader. Kinuha mo ang  aking mga paa, ipinatong sa iyong mga hita at minasahe. Habang pinapansin mo ang aking mga buhok sa hita ay kinukwento mo naman ang mga nangyari sa iyo sa trabaho. Pansamantalang nawala ang sakit ng ulo ko sa iyong mga kwento. Biglang nabuhay ulit ang aking dugo, kakatawa sa mga makukulit mong istorya.

Noong alam mo nang pagod na ako at nais magpahinga ay tumabi ka sa akin sa pagtulog. Akala mo ba nakatulog ako? Hindi ko nagawang pumikit dahil pinagmamasdan lang kitang matulog. Sinisilip ko ang iyong mukha, mga mata, ilong, bibig at buhok. Naisip kong masuwerte ako dahil merong akong Cookie.

Nang magising ka ay pinagalitan mo ako. Ang sabi mo ay ayaw mo ng magulong kwarto kapag mag-asawa na tayo. Ayaw mong uuwi ka nang hindi pa nakakapag-ayos. Ang sabi mo pa ay kaya ako nagkakasakit ay dahil madumi ang kwarto ko. Pero habang nanganngalit ay isa-isa mo namang nililinis ang mga kalat sa aking kwarto. 

Sa iyong paguwi ay nakatulog ako ng mahimbing. Kumpleto na kasi ang araw ko. Maliban sa nakita na kita, ay inalagaan mo pa ako. Ngayon alam ko na, kailanman ay hindi mo ako pababayaan. Alam ko na, kapag kailangan kita ay nariyan ka para sumaklolo sa akin. Salamat sa araw na ito. Salamat sa iyong pagmamahal.

Nagpapalambing,

Keith

Thursday, September 22, 2011

Mahal Mo Siya Dahil MAHALaga Siya Sayo.

"Magmahal ka kapag nakalimot ka na. Hindi yun magmamahal ka para makalimutan s'ya."

Kahit kailan ay hindi ko naranasang magmahal para makalimutan ang taong nagbigay sa akin nang saya at ang  taong nagpakita sa akin ng pagmamahal. Dahil siguro sa personal ko itong desisyon. Dumating na din naman ako sa punto na 'Mahalin ko kaya siya para hindi ko maisip yun sakit na nararamdaman' pero kapag naiisip ko naman yun taong mamahalin ko, nakakaramdam ako ng hindi patas na pagpapahalaga.
  
Kung magmamahal ka para makalimot lang, ihanda mo na ang sarili mong masaktan. Pwede ka niyang iwan kapag nalaman niya ito, sa puntong ikaw na ang nagmamahal sa kanya. Pwede ka rin maipit o mapako dahil hindi mo alam kung paano lalabas sa relasyong ikaw mismo ang nagbigay buhay. Itanong mo na din sa sarili mo kung sa mga oras na gusto mo na siyang iwan, Paano? Kailan?. Sinayang mo lang ang oras mo at ang oras ng iba. Kung hinintay mo na lang sana na naghilom ang sakit. Baka sa panahon na pinipilit mo ang sarili mong mahalin ang taong tinuring mong panakip-butas, ay dumating na pala ang taong itiinadhana para sa iyo.

Kung magmamahal ka rin lang naman. Bakit di ka pa magmahal nang totoo. :)

Wednesday, September 21, 2011

Pangalan ng Pinoy

Tin-tin, Bong-bong, Ken-ken, at Rap-rap. Ito ang ilan sa mga kakaibang palayaw ng Pinoy na inuulit-ulit.

Nakasanayan na yata kasi ng mga Pilipino ang magbigay ng kakaibang pangalan sa kanilang mga anak. May mga hinango sa pagkain, pangalan ng araw at buwan. Di natin maitatanggi ngunit marami ngang sikat na mga personalidad ang may kakaibang palayaw. Sa mga artista ay merong Tuesday, Sarsi, Chin-Chin. at Dingdong. Kung sa pulitiko naman ay merong Ping, Bingbong, Bongbong at huwag na din tayong lumayo pa, dahil ang presidente ng Pilipinas ay Noynoy.

Ang kakaibang ugaling ito nang mga Pilipino ay agad kong napansin nang gumawa ako ng listahan ng aking mga kaklase sa hayskul. Sa 50 na estudyante ay merong may mga pangalan/palayaw na April, May, June, Hershey, Ponkan, Ren-ren, Rap-rap, Mac-mac, Mai-mai,  Jing-jing, Bam-bam, Jun-jun at Pao-pao.

***

Kadalasan, bata pa lang ay nababansagan na nang kung ano-anong palayaw ang ating mga kabataan. Kakaiba man pero mukhang karaniwan lang ito sa mga magulang na Pinoy. Ang akin ngang palayaw ay Keno, kinuha yata sa  pagpusta nang aking mga magulang sa lottery.

Ikaw? Kakaiba rin ba ang iyong pangalan/palayaw? Sigurado akong marami ka ding kakilalang may kakaibang pangalan at palayaw.

Tuesday, September 20, 2011

Ang Walang Sawang Banat ni Kuya Kool 8

"Ang babae parang Barbie...
Pwede mong hubaran, damitan, at paglaruan.
Pero tandaan mo na ang tunay na lalaki hindi naglalaro nang Barbie."
-Kuya Kool


Si kuya Kool po ang aking nakababatang kapatid. Ito ang mga post n'ya sa kanyang Facebook account. Nais ko lamang ibahagi sa lahat, hindi para pagtawanan. Ngunit para maalala natin, na simple at masaya ang buhay. Ang bawat mensahe, kahit papaano ay nakapagbibigay ng aral. 

Monday, September 19, 2011

Bakit Nagsi-Save ng Text Messages?

Nakakainis kapag may darating na text message pero di mo matanggap dahil puno na ang inbox mo at ang isinisigaw na ng cellphone mo ay 'No space for new messages'.

Bakit nga ba humahantong pa sa napupuno ang inbox natin bago tayo magbura?

Pwede kasing nakakalimutan magbura at tinatamad diba?

Basta ang siguradong sigurado ako. Nagsi-save tayo ng text messages dahil; importante  at mahalaga ang text message o di kaya importante o mahalaga ang taong nagtext, kahit pa walang kwenta o smiley lang mensahe nito.

Ikaw bakit ka nagsi-save ng text messages?

Sunday, September 18, 2011

Makulay na Hapunan

Makulay ang Pagkain sa Burgoo. Di ko inaasahan na ang pagkain namin  ni Cookie dito ay makatutulong upang mailabas ang aming naitatagong talento sa pagguhit at pagkulay.

Pag-upo pa lamang ay agad kaming inalok ng isang lalagyan na puno ng Krayola. At dahil sa bibo kaming dalawa, di kami nagdalawang isip pa na gumuhit at magkulay. Halos nakalimutan na din namin na ibigay ang aming order dahil  sa sobrang tuwa at libang sa mga krayolang nakalatag sa aming harapan. Matagal na  din kasi kaming hindi nakapagguhit at kulay. Marahil ang huli ay noong nasa hayskul pa ako.

Ito ang  aming mga gawa habang naghihintay nang pagkain.

Si Cookie habang nagguguhit at naggkukulay.



Ang kanyang Likha


Ito naman ang aking work-of-art




Saturday, September 17, 2011

Mas Mayaman Pa Ang Pulubi Sa Akin

[beg.jpg]
imahe mula sa loveadriano.blogspot.com

Tuwing umaga papuntang area (assigned territory) ay lagi kong nakikita ang pulubing naglilimos sa sakayan ng Jeep sa C5. Siya ay matandang lalaki. May matiponong katawan para sa isang pulubi. Meron itong tattoo sa braso, di ko maalala yun imahe. Nakasaklay dahil hirap na siyang lumakad. Meron din siyang salamin dahil malabo na ang kanyang mga mata. Suot niya ang kanyang itim na belt bag kung saan nakapaloob ang walang laman na dalawang cup noodle. Dito inilalagay ng matanda ang kanyang mga nahihinging barya. Ang isa ay para sa mga tigpipiso at limang piso at ang isa pa ay para sa mga tigbebente-singko.

Bigla kong naalala ang matandang ito nang natanggap ko ang bill ng aking credit card.  Hindi ko kasi alam kung papaano ko lilimusin sa aking nanay ang mga pambayad sa mga kautangan. Alam ko namang hindi niya ako bibigyan ng pera. Dahil sa mula nang nagtrabaho ako ay ako na ang gumagastos para sa aking mga pangangailangan. 

Pansamantala akong nainggit sa matandang pulubi. Buti pa siya ay walang problema sa pamasahe at damit dahil wala naman siyang trabaho. Hindi niya naiisip ang gastos sa kuryente at tubig dahil wala naman siyang bahay. Hindi rin siya nababahala sa kanyang pagkain dahil sigurado siyang merong suking pasahero na magbibigay sa kanya. Mabuti pa ang matandang pulubi zero lang, ako negative pa. Kung sakaling may maglimos sa kanya ng sampung piso sa mga oras na ito, malamang mas mayaman pa siya ngayon sa akin nang Php**,*10.00

Friday, September 16, 2011

Kapag Magmamahal..

"Kapag magmamahal, tama lang na ibigay ang lahat para mapasaya siya. Ngunit huwag mong hayaang umikot ang mundo mo sa tao at hindi sa pagmamahal. Dahil  kapag nawala siya, walang matitira sa iyo. Para nang gumuho ang mundo mo."
-Kuya Keith

Si Kuya Keith ay Tinatamad :|

larawan mula sa google images

Dumating na ba kayo sa punto ng buhay kung saan parang nakakatamad magtrabaho o kumilos? Wala kang gana gawin ang mga dapat tapusin. Yun tipong gusto mo na lang dumaan at matapos ang araw. Nagtanong ka na ba sa sarili mo nang "Bakit ganto nanaman?'? O bigla ka na lang ba napasabi nang 'Hay..'? Nagsasawa sa paulit-ulit na gawain at pamumuhay. Nakumpara mo na ba ang iyong trabaho, sa pinaka ayaw mong subject sa klase noong nag-aaral ka pa? Yun tipong magka-cutting class ka kasi Math nanaman? O di kaya ay nalulungkot ka dahil sa lunes na ulit?

Kung isa dito ay naranasan n'yo na. Ano ang mga dapat isipin at gawin upang palitan at gawing positibo ang mga ito? Pasensya na ngunit si Kuya Keith ay tinatamad ngayong gabi.

Mga Bagay na Nais Kong Gawin

  • Libutin  ang Pilipinas
  • Bisitahin ang Boracay
  • Bisitahin ang Palawan
  • Bisitahin ang Cebu
  • Bisitahin ang Bohol
  • Bisitahin ang Davao
  • Bisitahin ang Zamboanga
  • Bisitahin ang Batanes
  • Pumunta ng HongKong
  • Pumunta ng Singapore
  • Pumunta ng Thailand
  • Pumunta ng China at sa Great Wall
  • Pumunta ng USA
  • Pumunta ng Jerusalem
  • Magkaroon ng sariling kotse
  • Magmaneho nang BMW
  • Magregalo ng flat screen TV sa bahay
  • Gawing Apartment ang aming bakanteng lote
  • Maging pinakamagaling sa trabaho
  • Maging Medical Representative of the Year
  • Magkaroon ng 130% sales vs target buwan-buwan
  • Mabigyan ng healthcard ang aking nanay
  • Ugaliing maging matulungin sa kapwa
  • Magtayo ng sariling charity institution/foundation
  • Magkaroon ng sariling  negosyo
  • Magkaroon ng P50,000 savings buwan-buwan
  • Pakasalan si Cookie
  • Magkaroon nang 2 anak
  • Maging Superstar MedRep
  • Makaipon ng P2,000,000 sa loob ng isang taon
  • Matuto sa pagsulat, pagbasa at pagsasalita ng hapon
  • Matuto sa pagsulat, pagbasa at pagsasalita ng Spanish
  • Magkaroon ng sariling House and Lot
  • Magkaroon ng mga properties sa Boracay at Tagaytay
  • Matutong mamuhunan sa real estate
  • Matutong mamuhunan sa stock market
  • Magaral ng Capoeira
  • Matutong magluto 
Ito ang mga gusto ko sa ngayon. Maaari pang madagdagan. :)

Wednesday, September 14, 2011

Tagapayo kuno!

Kayo ba ay may mga katanungan para sa akin o tungkol sa Gusot Mayaman? 

Gustong humingi ng payo patungkol sa personal na pangyayari?

May mga nais ibahagi o nais makita sa Gusot Mayaman?

Maaari kayong magtanong sa akin. Huwag lang patungkol sa inyong mga assignments lalong lalo na sa math.

Ang inyong Kuya Keith at ang medyo matabang utak nito ay nais makatulong sa pamamagitan nang pagsagot sa inyong mga katanungan. Ang ilan sa mga katanungan at sagot ay maaaring mabasa bilang entrada sa Gusot Mayaman.

Magtanong gamit ang form na makikita sa Magtanong kay Kuya Keith tab sa itaas.

Iniwan sa Ere


"Huwag mong subukin ang iyong mga kaibigan kung ayaw mo lang masaktan"
-Kuya Keith

Tuesday, September 13, 2011

Nawawalang Kapatid

Malaki ang naitutulong ng facebook sa paghahanap ng taong matagal mo nang gustong makita, o di inaasahang makita ngunit may importanteng papel pala sa buhay mo. Maaaring dating kaklase, mga kalaro, titser, at minsan mga kamag-anak
- - -

Nakita ko ang litrato ng aking tatay sa facebook. Gamit ito bilang isang profile pic. Akala ko may FB account na siya, e matagal na siyang namatay. Grade 6 pa lang ako nang magkasakit siya ng Colon Cancer at makalipas lang ang anim na buwan ay iniwan na niya kami. Ang FB account pala ay hindi pagmamay-ari ng aking tatay. Ito ay sa isang lalaking taga Cagayan de Oro, 28 taon gulang at may sarili nang pamilya.

Nagkaroon ako ng malaking interes sa pag-alam kung sino ang taong ito. Kaya naman ay ako na ang nag-add sa kanya bilang kaibigan sa facebook. Dito ko natuklasan, kamag-anak ko pala siya. Ngunit hindi ko siya nawawalang pinsan, tiyuhin at lalong lolo. May isang kaibigan ang nagtanong sa kanya kung sino ang nasa litrato. Sagot niya ay 'siya ang yumao niyang tatay'. Siya pala ang unang anak ng tatay ko. Siya pala ang panganay kong kapatid. 

Walang nakakaalam ng tungkol dito. Hindi ko alam kung lihim ba ito ng tatay ko. Wala namang naikwento ang nanay ko sa amin noong mga bata pa kami. Hindi na ako nagkalakas ng loob  na sabihin pa sa nanay ko ang mga nalaman ko. Marahil ayoko na rin siyang saktan, ayoko na siyang mag-isip pa. Sa edad na 56, di na tamang bigyan pa siya ng sama ng loob. Hindi ko na din ito ikinuwento sa nakakabata kong kapatid, kilalang Kuya Kool sa blog na ito. Hindi na rin ako nagkalakas ng loob  na kausapin pa ang panganay kong kapatid. Hahayaan ko na lang na parang walang nangyari. Hindi naman naapektuhan ang buhay namin sa loob ng 13 taon, na walang alam tungkol dito.

Wala akong naramdamang galit. Hindi rin sumama ang loob  ko sa tatay ko. Ang aking lang, naging masaya akong natuklasan ko ang mga ito.


Monday, September 12, 2011

Happy Monthsary sa iyo Kaibigan :)

USD1.47 sa Adsense, PHP20.00 sa Nuffnang, 10 na mga kaibigan tagasunod, 738 na page views, 59 na mga entrada sa blog at 45 na mga komento. Lahat ng ito ay hindi ko inaasahang mangyayari sa loob lamang ng isang buwan.

Saktong isang buwan ang nakalipas ng maisipan kong gumawa ng isang blog. Blog na aking magiging ikalawang mundo. Mundo kung saan ako ang bida, direktor at artista. Ang mundo ng aking mga saloobin, pangarap at ideya. Ang mundong may layunin na buhayin ang lahing kayumanggi. Ang mundo kung saan walang mayaman o mahirap, lahat ay pantay-pantay.

Wala akong alam at kakayahan sa pagbla-blog. Wala akong pormal na kaalaman sa pagsusulat. Hindi ako nakapag-aral  nang ibat-ibang teknik sa paglalahad ng istorya. Ang meron lang ako, mga ideya at lakas ng loob na sumulat sa isang blog na walang kasiguraduhan kung may magbabasa.

Sadyang mabilis ang mga pangyayari. Hindi ko namalayan na ang araw na ito, ay ang unang buwang kaarawan ng Gusot Mayaman. Sa mga kaibigang tagasunod, kliyente at mga mambabasa. Happy Monthsary! Yikes! Hangad ko ang inyong kasiyahan sa pagbabasa nang aking mga likha.


* * *

Monthsary din namin ni Cookie ngayon pero di  tulad ng Gusot Mayaman. 4 years at 11 months na kaming nagma-monthsary :) 

Saturday, September 10, 2011

HALAGA




Sa ika-limang Pasko mo ako’y nakamtan 
Mula sa kulambo sa ibabaw iniwan 
Si Santa daw ang nagbigay sabi ni Inay 
Ngunit si Itay pala ang sadyang nag-alay 


Nang buksan sa pagkabalot agad niyakap 
Walang katulad ang unang halik at yakap 
Sana’y mahalin at alagaan nang tunay 
Pangako ako ay sayo pang habang-buhay 


Sa mga kalaro ako’y pinakilala 
Pinakamagandang laruang ‘yong dinala 
Bigkas ng bata mula sa labi at laway 
Sa aking tabi ay tila ayaw mawalay 


Ngayong binata ka na, san ako pupunta? 
Ang dala-dala kong saya ay nalimot na 
Kung maaari ako’y sa bata ibigay 
Upang ibalik tunay na halagang alay


***

Tulang lahok para sa hamon nang Ikatlong Saranggola Blog Awards

Friday, September 9, 2011

Di Magandang Kwento

Wala akong pasok kahapon. Wala akong ginawa kundi ang matulog lang sa sofa ng sala at magbasa ng mga blogs. Salamat nila michymichymooempi, Vallarfax, mga blogger na nagtyagang basahin ang mga sulat ko, at kahit papaano ay may mga nakausap ako sa pamamagitan ng kanilang mga komento sa aking mga entrada. Hindi ko kasi kayang walang kausap. Hindi ko matiis, para akong mababaliw. Buong araw lang ako dapat sa bahay, pero dahil sa nangangati ang aking  mga paa ay dimapot ko din ang susi ng kotse para magikot-ikot lang.

Masarap gamitin si 'Barney'. (Barney po ang pangalan ng kotse) Magaan ang manibela kaya madaling isingit. Malambot din ang clutch kaya hindi nakakangawit. May mabangong amoy, minsan apple o cherry, pero naka new car scent ito ngayon. Parang bago pa rin ang itsura nang Toyota Vios dahil alagang-alaga. Meron itong matingkad kulay pula na nakakapukaw talaga ng attention.

Thursday, September 8, 2011

Sa Facebook may Perfect Life

Matagal  ko nang hindi nakikita ang kaibigan kong si Kris. Sobrang hanga ako sa kanya dahil ibang-iba na siya mula noong hayskul. Sa facebook ko nalalaman lahat ng nangyayari sa kanya dahil sa wala na kaming oras para magkita at makapagusap pa.

image source: http://www.meneatburritos.com/
Nagtaos kami ni Kris sa isang pampublikong paaralan sa Pasay. Paaralan malapit sa mga squat at estero. Maraming estudyante pero hindi seryoso sa pag-aaral. Sa bawat section ay merong 60 na estudyanteng nagsisiksikan sa isang classroom. Noong hayskul ay matalino daw kami ni Kris, nasa section 1 kami mula first year. Ngunit sa mga panahon na yon, hindi tulad ko na sinuswerte ay hirap at nagsusumikap lang si Kris sa pag-aaral. Kailangan niyang ulitin ang mga uniform niyang polo para makapasok sa paaralan. Inuulit nya rin ang kanyang dalang face towel halos 3 beses siguro sa isang linggo. Butas ang kanyang mga sapatos na nagiisa lang mula pa noong 3rd year kami hanggang sa makatapos sa hayskul. Naglalakad lang siya mula paaralan pauwi sa kanila. Minsan lang din siya bumili sa canteen dahil wala siyang baon. Kapag may lakad ang mga magkakaklase ay hindi siya nakakasama dahil mapapagastos ito. Kadalasan ay kami na lang magkakaibigan ang nagaambag para kay Kris dahil sa mabait naman ito at masarap kasama.

Wednesday, September 7, 2011

Ang Walang Sawang Banat ni Kuya Kool 7

"Ang love ay parang bagyo, mahirap mapredict kahit pa may PAGASA."
-Kuya Kool


Si kuya Kool po ang aking nakababatang kapatid. Ito ang mga post n'ya sa kanyang Facebook account. Nais ko lamang ibahagi sa lahat, hindi para pagtawanan. Ngunit para maalala natin, na simple at masaya ang buhay. Ang bawat mensahe, kahit papaano ay nakapagbibigay ng aral.

Kasalan

(Unahan ko na, humuhingi na ako ng paumanhin para sa mga lalaking mambabasa. Cheesy kasi ang blog entry na ito.)

Napagausapan na namin ni Cookie ang pagpapakasal. 25 years old na kasi ako at siya naman ay 24. Balak namin ay sa 2012 pero mukhang malabo. Baka maging 2013 o 2014 na lang. Hirit ito ng parents niya dahil meron  pa kasing 3 kapatid si Cookie na tinutulngan, 1 sa kolehiyo, 1 sa hayskul at 1 sa elementarya.

So ngayon, gameplan na lang muna. game plan talaga.. :)

1. Mag-ipon ng 150,000 para maging emergency fund.  Ito ang gagamitin sa mismong araw ng kasal. Para sa mga hindi inaasahang bayarin.
2. Magsimula nang magbooking at maghanap ng supplier. Dapat ay makapagdown na rin para hulog-hulugan na lang ng buong taon.
3. Magplano na kung sino ang dapat na mainvite, ilang guest at kung saang simbahan at reception.
(Dapat maplano mabuti dahil ang budget lang namin ay baka P500,000.00. (Baka lang naman kasi kung hindi aabot sa 500k kahit magkano na lang matuloy lang.)

Pero dahil usapang kasal ito. Gusto kong ibahagi na rin sa inyo ang mga larawan ni Barbie at Ken sa kanilang kasal. Ang mga larawan ay talagang nakakatuwa at nakakaaliw. Narito ang ilan sa mga larawan:

barbie and ken wedding

barbie and ken wedding

barbie and ken wedding

barbie and ken wedding

I click ang mga imahe para sa iba pang mga lawaran sa album.

Tuesday, September 6, 2011

SPA at ang Nakakapagod na Araw

Naglilipgpit ako ng gamit sa opisina nang biglang may kumatok. Si Dem pala iyon, medrep  ng Bausch and Lomb. Nagtatanong kung pupunta ako ng V. Luna dahil fiesta nila. Sa totoo lang, nagulat ako ahil nawala sa isip ko na fiesta ng ospital. Ako pa naman ang nagpledge ng catering pero dahil sa friends kami ng mga doktor ay tumawag ako sa kanila. Sinabi kong wala akong budget. Gayunpaman ay mapilit pa rin kaming pinapapunta kahit walang dala. Presensya lang daw namin ni Dem ay okay na.

Agad akong nagliquidate ng pera sa accounting dahil unang araw ng linggo. Tuwing lunes namin isinasauli ang budget at nanghihingi ng funds para sa mga pangdate sa mga doktor. Pagkatapos magliquidate ay nagtungo kami ni Dem sa V. Luna Hospital (AFP Medical Center).

Alas-dos na nang hapon kami ni Dem dumating sa ospital. Ang naabutan namin ay ang mga sundalong doktor na nagiinuman. Agad akong pinaupo sa lamesang maraming Red Horse. Pinagbuksan ako ng medical technician ng isang  bote. Napainom na ako kahit hindi pa nakakapaglunch.

Monday, September 5, 2011

Pogi Points Fail

TĂș justificas mi existencia.
Si no te conozco, no he vivido;
Si muero sin conocerte,
no muero, porque no he vivido.

Ito yun text message ko kay Cookie noong nililigawan ko pa siya. Sobrang 10,000 pogi points yata ako dito kahit hindi niya alam ang ibig sabihin niyan. Naalala ko pa yun mga panahon na nagtext ako nito.

Cookie: Ano po ito?
Kuya Keith: Hhmm.. para sa iyo. :)
Cookie: Ano po ibig sabihin nito?
Kuya Keith: Hehe... Secret.. kaw na bahala kung pano mo malalaman.

Makalipas ang ilang mga buwan....

ikaw ang dahilan kung bakit ako naririto
kung hindi kita nakilala, hindi ako mabubuhay
kung mamatay man ako na hindi kita nakilala
hindi ako mamamatay dahil hindi naman ako nabuhay

Nakatanggap ako ng text message mula kay Cookie. Sinagot na niya ako ng mga panahon na ito kaya syempre nakakakilig naman talaga makatanggap ng ganitong message mula sa kanya.

Kuya Keith: Mahal, ano ito.
Cookie: :) (reply niya)
Kuya Keith: Hehe.. ang sweet. Thank you.
Cookie: Sira ulo! Yan yun tagalog ng pinadala mo saking message dati. Nakita ko sa LRT!

FAIL!

***

Ang  tula ay isinulat n i Luis Cernuda, mula sa Berso sa Metro ng LRT. Ito ay isang advertising cammpaign na ginawa nang Instituto Cervantes of Manila.

Sunday, September 4, 2011

Kung Araw-Araw ang Laban ni Pacquiao

Muling maghaharap si Manny Pacquiao at ang Mexican Champ na si Juan Manuel Marquez sa ika-12  ng Nobyembre. Ito ay  mula sa press conference na ginawa ni Bob Arum, CEO ng Top Rank, sa Manila Hotel noong sabado.

Manny Pacquiao
Imahe mula sa http://static.guim.co.uk/sys-images/Sport/Pix/pictures/2009/12/27/1261954635437/Manny-Pacquiao-001.jpg
Sa labang ito ang pusta ko ay hindi sa kung sino ang mananalo o matatalo, kundi sa mga eksenang ganito:

Sa tuwing may laban si Manny Pacquiao ay nagiging tahimik ang Metro Manila. Walang ingay ng kapitbahay, walang trapik, walang pulubi (baka nanunood din) sa kalsada, walang tsismis at walang balita, (negatibong balita), sa tv dahil sa sumusubaybay din ang media sa laban ng idolo ng bayan. Nagkakaroon din ng mga libreng panooran sa basketball court ng barangay. Yun iba ay bumibili pa ng ticket sa live telecast sa sinehan.

Kapag may laban si Pacquiao ang mga magkakaway ay nagbabati, kapit-bahay, artista at pulitiko.  Nakabreak ang senado at kongreso, ipinagpapaliban ang ilang mga kontrobersyal na kaso at usapan. magkasamang nanonood ang mga preso at jail guards, walang hold-up, snatcher at magnanakaw. Sa madaling salita, parang nagkakaroon ng panandaliang kapayapaan.

Para sa Kongresistang si Manny Pacquiao, maaari bang araw-araw na lang ang iyong mga laban? Kahit na wag ka nang gumawa at magpasa ng mga batas. Dahil sa tuwing may laban ka, ikaw ang mistulang presidente ng Pilipinas. Mas kapaki-pakinabang pa ang mga laban mo sa pagdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa kaysa sa mga ipinatutupad na mga batas.

Kung araw-araw ang laban ni Manny Pacquiao, sana araw-araw din ang pagkakaisa, katahimikan at kapayapaan.

Saturday, September 3, 2011

Sino si Jay Jaboneta?

Sinong magaakala na ang simpleng facebook update ang gigising sa natutulog na BAYANIHAN ang lahing kayumanggi.

Ito ang nagawa ni Jay Jaboneta, Pitong Pinoy Awardee, na isang internet savvy nang magpost siya ng facebook update na naglalahad ng paghihirap ng mga estudyante sa Zamboanga. Ang mga batang ito ay kailangan tumawid ng ilog upang makapasok sa kanilang paaralan. Dahil sa facebook update na ito ay nakalikom si Jay ng pera upang maipambili ng mga bangka.



Narito ang katulad na istorya:

Ang Walang Sawang Banat ni Kuya Kool 6

"Ang pag-ibig ay tulad ng larong snake sa cellphone. Di mo iisipin na hahaba ng ganon kapag tumatagal. Exciting pero  nakakatakot din. Baka kasi makagat o mauntog ang snake(pag-ibig). Isang pagkakamali lang ay matatapos ang matagal mong pinaghirapan. Kaya dapat itong laruin ng may pagpapahalaga at pagiingat. Dahil sa larong ito, walang sinuman ang may gusto ng.. Game Over." 
-Kuya Kool

Si kuya Kool po ang aking nakababatang kapatid. Ito ang mga post n'ya sa kanyang Facebook account. Nais ko lamang ibahagi sa lahat, hindi para pagtawanan. Ngunit para maalala natin, na simple at masaya ang buhay. Ang bawat mensahe, kahit papaano ay nakapagbibigay ng aral.

Telenobela

***
Ikaw ang  bida sa sarili mong telenobela
Sa kwentong ikaw ang nakakaalam ng simula.
Ikaw ang direktor ng sarili mong telenobela
Sa istoryang hindi alam ang magandang katapusan.
Ikaw ang nagset-up ng mga props at kamera
Sa location  na tinatawag mong iyong talambuhay.
Ikaw ang scriptwriter ng sarili mong telenobela.
Sa nabuong masaya at nakakakilig na istorya
Ikaw ang bida sa sarili mong  telenobela
At sana ako naman ang iyong leading man

***

Nagpapacute kay Cookie,


Kuya Keith

Friday, September 2, 2011

Minadaling Panahon

Noong ikaw ay nasa elementarya ay hinangad mo nang makatungtong ng hayskul. Nahilig ka sa mga love song at inaalay ang mga kantang ito sa iyong crush. Inisip mo na ang iyong mga kaibigan ay makakasama habang buhay. Nanonood ka na nang mga palabas sa telebisyon na pang binata at dalaga tulad ng TGIS at GIMIK, meron ding Berks.

Noong ikaw ay nasa hayskul ay nais mong makatapos agad at magkolehiyo, dito ay naglilihim ka sa iyong mga magulang na ikaw ay may kasintahan na. Nagsimula kang magcutting classes dahil iniisip mo na buti pa sa kolehiyo hindi buong araw ang klase. Sumubok ka na rin magyosi at uminom ng alak. Nasiyahan ka sa mga barkada sa mga texts at chat. Nakikipag-eyeball para mas dumami ang mga kaibigan. Sumubok ka na din maglaro ng apoy.

Kay Tulin ng Panahon

Nagsimula na ang BER months, ibig sabihin ay magpapasko na. Napakabilis nga naman nang panahon. Hindi ko namalayan na september na ulit. Parang ilang tulog na lang at mag2012 na. Sa mga clinics nga ng aking mga doktor (clients), ay nagsisimula na silang maglagay ng mga dekorasyong pampasko. Ganun din sa mga malls. Sa SM Manila nga ay may 3day sale na agad.

Sa pagpasok ng 2011 ay marami tayong nilistang mga di magandang asal at gawain upang baguhin. Tinatawag natin yun na 'New Year's Resolution' di ba? Sa tingin ninyo, nagawa n'yo na ba ang listahan nang mga nais ninyong mabago hanggang sa panahon na ito? Kung hindi pa ay may natitira ka pang 4 na BER months para simulan ito.

***

Naniniwala ba kayo na katapusan na nang mundo sa 2012? Ako hindi ganun din ang batang naglalaro sa labas ng aming bahay. Sabi niya, hindi pa mageEnd ang mundo sa 2012, kasi ang corned beef nila sa 2013 pa ang expiration.

Matalinong bata. May punto naman siya diba?



Nagmumunimuni,

Kuya Keith

Ang Walang Sawang Banat ni Kuya Kool 5

"Di mo na kailangan i-challenge ang sarili mo. Huwag mo nang i-view ang page kung ayaw mo lang magsisi at masaktan."
-Kuya Kool


Si kuya Kool po ang aking nakababatang kapatid. Ito ang mga post n'ya sa kanyang Facebook account. Nais ko lamang ibahagi sa lahat, hindi para pagtawanan. Ngunit para maalala natin, na simple at masaya ang buhay. Ang bawat mensahe, kahit papaano ay nakapagbibigay ng aral.

Thursday, September 1, 2011

Ipagppaumanhin ang Aking Lengguwaheng Kalye

Narinig n'yo na ba ang pangalan ni James Soriano? Sigurado ako na nitong mga nakaraang araw ay nabasa n'yo narin ang kwento tungkol kay James Soriano sa facebook at twitter. Naging trending topic din siya dahil sa artikulong isiinulat niya sa Manila Bulletin, "Language, learning, identity, privilege", Ayun sa kanya, ang Filipino ay languange of the street at ang English ay language of the learned.

***

Language, learning, identity, privilege
Ithink
By JAMES SORIANO
August 24, 2011, 4:06am

English is the language of learning. I’ve known this since before I could go to school. As atoddler, my first study materials were a set of flash cards that my mother used to teach me the English alphabet.

My mother made home conducive to learning English: all my storybooks and coloring books were in English, and so were the cartoons I watched and the music I listened to. She required me to speak English at home. She even hired tutors to help me learn to read and write in English.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...