Muling maghaharap si Manny Pacquiao at ang Mexican Champ na si Juan Manuel Marquez sa ika-12 ng Nobyembre. Ito ay mula sa press conference na ginawa ni Bob Arum, CEO ng Top Rank, sa Manila Hotel noong sabado.
Imahe mula sa http://static.guim.co.uk/sys-images/Sport/Pix/pictures/2009/12/27/1261954635437/Manny-Pacquiao-001.jpg |
Sa labang ito ang pusta ko ay hindi sa kung sino ang mananalo o matatalo, kundi sa mga eksenang ganito:
Sa tuwing may laban si Manny Pacquiao ay nagiging tahimik ang Metro Manila. Walang ingay ng kapitbahay, walang trapik, walang pulubi (baka nanunood din) sa kalsada, walang tsismis at walang balita, (negatibong balita), sa tv dahil sa sumusubaybay din ang media sa laban ng idolo ng bayan. Nagkakaroon din ng mga libreng panooran sa basketball court ng barangay. Yun iba ay bumibili pa ng ticket sa live telecast sa sinehan.
Kapag may laban si Pacquiao ang mga magkakaway ay nagbabati, kapit-bahay, artista at pulitiko. Nakabreak ang senado at kongreso, ipinagpapaliban ang ilang mga kontrobersyal na kaso at usapan. magkasamang nanonood ang mga preso at jail guards, walang hold-up, snatcher at magnanakaw. Sa madaling salita, parang nagkakaroon ng panandaliang kapayapaan.
Para sa Kongresistang si Manny Pacquiao, maaari bang araw-araw na lang ang iyong mga laban? Kahit na wag ka nang gumawa at magpasa ng mga batas. Dahil sa tuwing may laban ka, ikaw ang mistulang presidente ng Pilipinas. Mas kapaki-pakinabang pa ang mga laban mo sa pagdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa kaysa sa mga ipinatutupad na mga batas.
Kung araw-araw ang laban ni Manny Pacquiao, sana araw-araw din ang pagkakaisa, katahimikan at kapayapaan.
No comments:
Post a Comment