Friday, September 2, 2011

Minadaling Panahon

Noong ikaw ay nasa elementarya ay hinangad mo nang makatungtong ng hayskul. Nahilig ka sa mga love song at inaalay ang mga kantang ito sa iyong crush. Inisip mo na ang iyong mga kaibigan ay makakasama habang buhay. Nanonood ka na nang mga palabas sa telebisyon na pang binata at dalaga tulad ng TGIS at GIMIK, meron ding Berks.

Noong ikaw ay nasa hayskul ay nais mong makatapos agad at magkolehiyo, dito ay naglilihim ka sa iyong mga magulang na ikaw ay may kasintahan na. Nagsimula kang magcutting classes dahil iniisip mo na buti pa sa kolehiyo hindi buong araw ang klase. Sumubok ka na rin magyosi at uminom ng alak. Nasiyahan ka sa mga barkada sa mga texts at chat. Nakikipag-eyeball para mas dumami ang mga kaibigan. Sumubok ka na din maglaro ng apoy.

Habang nasa kolehiyo ay naiinip kang makatapos. Iniisip mo na kung san ka papasok at kung anong klaseng trabaho. Dahil alam mong di masyadong importante ang attendance sa klase ay pinagpapalit mo ito sa pagtambay at panonood ng sine. Humihingi ka ng baon at pera para sa project pero pinambibili mo lang ng bagong gamit, damit at cellphone. Ayaw mo pahuli sa iyong mga kaklase, dahil gusto mo sikat ka. Kung dati ay painom-inom lang sa mga bahay ng kaibigan ngayon ay nagbabar hopping ka na rin. Tumatambay na sa Starbucks, akala mo may pera nang kinikita. Nagsimula ka na rin sumubok na mangolekta ng kasintahan.

Ngayong nagtratrabaho ka na, nais mong muli mag-aral. Naiisip mo na mabuti pa ang mga estudyante walang pasok pag may bagyo. Naiisip mo din na, noong nagaaral ka pa wala kang problema sa budget. Ngayon ay naghihintay ka ng ika-15 at ika-30 araw ng buwan. Hindi ka makahanap ng mas magandang trabaho dahil hindi maganda ang transcript mo sa kolehiyo. Feeling mo di ka pa handa magtrabaho dahil parang wala ka pang masyadong alam. Naisip mo na, kung di ka nagbarkada at nagfocus ka saana sa pag-aaral ay baka mas maganda pa ang trabaho mo ngayon. Nawala na din ang mga itinuring mong kaibigan, mga kaibigan sa inuman at tambayan. Nakahanap ka na ng taong nais mong pakasalan. Pero sobrang nahihiya ka dahil alam mong hindi mo na kayang ibigay ang best para sa kanya. Di mo kayang ibigay ang lahat para sa kanya, dahil ang iba ay naibigay mo na sa mga dati mong naging kasintahan. Narealize mo na mahirap pala ang buhay. Ang dating wala kang pakielam sa pagtaas ng gasolina't pamasahe ay nirereklamo mo na. Tinatanong mo ang gobyerno kung san napupunta ang binabayad mong tax. Ngayong hindi mo na minamadali ang lahat, gusto mong balikan ang iyong nakaraan para maayos ang ilan sa iyong mga kamalian.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...