Friday, September 23, 2011

Liham Para Kay Cookie: Noong Ako ay may Sakit

Walang alam si Cookie patungkol sa blog na ito. Inililihim ko sa kanya na merong akong pinagkakaabalahan na iba maliban sa kanya. Ayaw ko sanang malaman niya sa ngayon ang tungkol dito. Gusto ko kasi gumawa ng mga sulat para sa kanya nang hindi niya mababasa agad. Dito ko plano isulat lahat. At kahit na gaano at paano ko pa ito ilihim ay darating din ang araw na malalaman at mababasa n'ya ang mga nasulat ko dito. Sana sa pagdating nang araw na iyon ay maging ala-ala ang blog na ito ng mga pangyayari sa aming buhay.

***

Dear Cookie,

Salamat sa iyong matiyagang pagaalaga sa akin noong ako ay may sakit. Di ko akalaing magagawa mo ang lahat ng iyon para sa akin. Ipinaglinis mo ako ng kwarto, ipinagtimpla ng kape, ibinili ng gamot at pagkain, at pati paggpupunas ng towel na may alcohol sa aking katawan ay ginawa mo din. 

Dumating ka sa bahay nang hindi ko namamalayan. Napakahimbing pa nga ng tulog ko noon. Pero bigla na lang akong nagising nang marinig ko ang boses mong sumisigaw at kinakalabog ang aking kwarto. Alam kong hindi ka naniniwalang may sakit ako (nang nagtext ako sayo). Iniisip mo siguro na umaarte lang ako. Kaya naman nakita ko sa iyong mukha ang biglang pagaalala ng hawakan mo ang aking braso, at naramdaman na ako ay mainit at nilalagnat.

Umupo ka sa aking kama at sumandal sa pader. Kinuha mo ang  aking mga paa, ipinatong sa iyong mga hita at minasahe. Habang pinapansin mo ang aking mga buhok sa hita ay kinukwento mo naman ang mga nangyari sa iyo sa trabaho. Pansamantalang nawala ang sakit ng ulo ko sa iyong mga kwento. Biglang nabuhay ulit ang aking dugo, kakatawa sa mga makukulit mong istorya.

Noong alam mo nang pagod na ako at nais magpahinga ay tumabi ka sa akin sa pagtulog. Akala mo ba nakatulog ako? Hindi ko nagawang pumikit dahil pinagmamasdan lang kitang matulog. Sinisilip ko ang iyong mukha, mga mata, ilong, bibig at buhok. Naisip kong masuwerte ako dahil merong akong Cookie.

Nang magising ka ay pinagalitan mo ako. Ang sabi mo ay ayaw mo ng magulong kwarto kapag mag-asawa na tayo. Ayaw mong uuwi ka nang hindi pa nakakapag-ayos. Ang sabi mo pa ay kaya ako nagkakasakit ay dahil madumi ang kwarto ko. Pero habang nanganngalit ay isa-isa mo namang nililinis ang mga kalat sa aking kwarto. 

Sa iyong paguwi ay nakatulog ako ng mahimbing. Kumpleto na kasi ang araw ko. Maliban sa nakita na kita, ay inalagaan mo pa ako. Ngayon alam ko na, kailanman ay hindi mo ako pababayaan. Alam ko na, kapag kailangan kita ay nariyan ka para sumaklolo sa akin. Salamat sa araw na ito. Salamat sa iyong pagmamahal.

Nagpapalambing,

Keith

2 comments:

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...