“Huwag mong mababanggit ang pangalan ni Tess kay Bing mamaya”, paalala ni Doc Jed sa akin.
Nangako ako kay Doc Jed na isasama ko siya sa isang buffet restaurant pagkatapos ng aming medical mission. Tinanong niya ako kung pwedeng isama ang kanyang sekretarya at ang kanyang kasintahan na si Bing na susunduin pa namin sa tinitirahan nitong condominium. Pumayag ako kaya ipinaalala niya sa akin na huwag na huwag ko daw mababanggit ang pangalan ni Tess sa kanyang kasintahan.
Si Doc Jed ay isang espesyalista sa mata. Magaling itong doktor kaya naman maraming pasyente ang pumipila sa kanya. Siya ay 45 taong gulang at nananatiling binata. Meron itong isang anak na lalaki sa kanyang kalive-in partner na si Mylene.
Si Bing ang kanyang lihim na kasintahan. Labing siyam na taong gulang palang ito nang sila ay unang nagkakilala. Sa ngayon, dalawang taon na silang magkasintahan. Alam ni Bing ang istorya patungkol sa anak ni Dr. Jed ngunit hindi lahat. Inililihim ni Doc Jed na hanggang ngayon ay nagsasama parin sila ni Mylene. Si Bing ay selosa, pinagseselosan niya ang lahat, kapwa doctor ni Doc Jed, nurse, medrep at sekretarya. Kahit nga ako ay pinagselosan niya nung hindi pa kami magkakilala. Akala nya daw kasi na si ‘Keith’ ay babae. Ang pagkakabigkas pa nga niya sa pangalan ko ay ‘Kate’ (keyt) hindi ‘Keith’(kit).
Si Tess ay dating sekretarya ni Doc Jed. Maganda si Tess. Maputi, mahaba ang buhok, payat at may magandang personalidad. Kahit sino ay pwedeng mainlove sa kanya. Tinanggal niya ito sa trabaho dahil sa pinagseselosan ni Bing. Ngunit sabi ni Doc Jed ay wala naman silang relasyon ni Tess kaya wala itong dapat ipagalala.
Sinundo naming si Bing sa condominium nito. Bumisina si Doc Jed ng 2 beses sa labas ng vicinity ng condominium. Umikot ito at bumisina ulit ng 2 beses.
“Bakit po hindi natin siya sunduin sa kanilang unit?” tanong ko.
“Hindi pwede dahil ayaw ng mga magulang niya sa akin” sagot ni Doc Jed
Papaano nga naman hindi magiging ayaw ng magulang ni Bing sa kanya. Ang ina nito ay kasing edad niya at 2 taon naman ang agwat sa ama ni Bing.
“Hindi ko din alam kung pagpumunta ako sa bahay nila e magmamano ako sa tatay at nanay niya” pabirong sabi ni Doc Jed.
“E doctor, para san po ang 2 beses na busina?” tanong ko ulit.
“Hudyat yun na nandito na ako sa labas, hindi yun alam ng mga magulang nya.” Nakangiting sambit ni Doc Jed na parang nagyayabang pa.
Lumabas si Bing ng condo at sumakay sa kotse. Matapos ay dumiretso kami sa sinasabi kong buffet restaurant. Pagdating sa resto ay agad akong namili ng inumin. Ako na rin ang umorder ng drinks para sa kanila upang makapamili na sila ng pagkain. Masasarap ang mga pagkain at nawili kami sa mga jokes at kwentuhan.
“Saan po kayo pupunta pagkatapos kumain?” tanong ko kay Doc Jed.
“Manonood kami ng sine. Transformers. Yun 3D” sagot ni Doc Jed.
Mayamaya ay muling tumayo si Bing para kumuha ng iba pang pagkain.
“Doc, transformers!? E diba nanuod na kayo ni Mylene kahapon nun?” nagtatakang tanong ng sekretarya niya.
“Huh!? E napanood mo na pala yun e? Bakit yun ulit panonoorin mo doctor? Baka naman makabisado mo na ang pelikula.” Pabiro kong banat kay Doc Jed.
Pagbalik ni Bing ay parang wala kaming napag-usapan. Nilihis ang kwentuhan sa pagplaplano ng susunod na medical mission.
Sa pagtatapos ng kainan ay nagpaalam na kami sa isa’t isa.
Sa sasakyan ay may tumawag sa aking cellphone. Hindi ko ito nasagot agad kaya ako na lang ang tumawag noong nagkaroon ng pagkakataon. Si Tess pala iyon. Yun dating sekretarya ni Doc Jed. Nangangamusta at nagtatanong kung maganda ba ang kanyang papasukang kumpanya. Nais n’ya daw maging medrep tulad ko. Ito ang kanyang naging desisyon, matapos siyang paalisin ni Doc Jed sa trabaho.
“Keith , maganda ba sa zuellig pharma?, tanong niya sakin mula sa kabilang linya ng telepono.
“Hmm.. Oo, maganda naman. Bakit”?, tanong ko pabalik.
“Doon na kasi ako nagtratraining.”, sagot niya sa akin.
“Ahh talaga! Siya nga pala, galing kaming misyon ni Doc Jed.”, sambit ko sa kanya.
“Oh! Kamusta naman? Marami bang pasyente?” sagot niya.
“Magkikita nga pala kami ni Doc Jed bukas. Ililibre niya daw ako ng sine. Yun TRANSFORMERS.”, pahabol niya.
Dalawang araw ang lumipas ay nanood ako ng Transformers, mahaba pala ang running time nito. Halos magtatatlong oras. Sa palagay ko, baka nga nahirapan si Doc Jed intindihin ang pelikula kaya kailangan niya itong ulit-uliting panoorin sa 3 sunod-sunod na araw. Pwede rin namang, ito ang kanyang pinakapaboritong pelikula.
Kayo? Ano sa palagay ninyo?
No comments:
Post a Comment