Thursday, August 9, 2012

Puso at Larawan

Natawa ako sa unang tingin sa mga litrato. Mga turistang nagtatampisaw sa tubig baha ng Maynila.




Hindi tulad nito ang mga litratong ibinabaon ng mga turista sa bansang kanilang pinuntahan. Wala dito ang pinakamagandang view o ang pinakamagandang background ng isang tourist spot. Hindi rin ito ang isa sa mga destinasyon na ipinagmamalaki nang ating bansa.

Pero ano ba ang nakita ng mga turistang ito sa baha ng Maynila? Bakit parang masaya silang naglalaro sa maruming tubig mula sa mga imburnal at ulan?

Maaaring hindi nga ito ang inaasahang makikita ng mga turista sa bansang Pilipinas. Marahil nalungkot din sila sa naabutang sakuna. Pero paano nga kaya sila malulungkot, kung ang nakikita nila ay mga batang nagsasaya sa baha? Paano sila malulungkot kung nakikita nila, na sa kabila ng paghihirap ay nakuha pa ng mga pilipinong ngumiti at magpasalamat? Paano pa ba nila makukuhang malungkot kung nakikita nila na lahat ay nagkakaisa at nagtutulungan?

Ang larawang ito ay hindi maipagmamalaki ng ating bansa. Ang larawang ito ay siyang katibayan ng tunay na kalagayan ng ating bayan, walang maayos na drainage system, maruming kalsada at polusyon. Pero ang larawang ito, nagpapakita ng tunay na puso ng mga Pilipino. Masayahin, may sense of humor at puno ng pag-asa.

Marahil hindi ang larawan ng tubig baha ang ibinaon ng mga turista pauwi sa bayang kanilang pinagmulan, kundi ang puso ng mga Pilipinong bumabaha ng pag-asa, pananampalataya, kasiyahan at pagkakaisa.


Mga larawan mula sa: The Manansala Photography

2 comments:

  1. Isa itong patunay na ang unti-unti na nilang naiintindihan ang ating pinagmumulan, ang ating kultura. Nadadadamay sila sa saya ng mga Pilipino kung paano harapin ang problema. Isa ito marahil sa pakikiisa nila sa atin.

    ReplyDelete
  2. Tama ka, hindi man maipagmamalaki ang infrastraktura ng Maynila. Maipagmamalaki naman ang masayang kultura ng mga mamamayan na siyang hinahangaan ng ibang lahi.

    Dalangin ko lang, sana ligtas ang mga turistang ito sa sakit. :)

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...